Lunes, Setyembre 26, 2011

TAGA-MUÑOZ ‘TO PRE!

“ Saan ka galing na iskul?”
“ Sa Muñoz National High School.”
“ Ah, sa Muñoz? Yaaakkkk! You’re such a loser!”

Tama si Mark dun! Iyon nga ang pangkaraniwang impresyon ‘pag nalamang nagtapos ka sa MNHS. Hindi man nila direktang sabihin ito kung minsan, ngunit malalaman mong sa titig ng mga tao ay iyon ang sinasabi nila.

Bulakbol, palaaway, mahina, at bobo. Iyan ang pangkaraniwang impresyon kapag taga-MNHS ka. Hindi naman namin sila masisi dahil sa mga maling gawain ng ibang mag-aaral ng MNHS. Maglibot ka sa mga computer shops sa oras ng klase, may taga-MNHS na nagdo-DotA! Lumibot ka sa Lingap Kalikasan sa CLSU, ilang kilometro mula sa MNHS, may taga-MNHS, nakikipag-date!  Pumunta ka sa kanto pagkatapos ng klase, may taga-MNHS, nakikipag-away! Gumawi ka sa Guidance Office ng MNHS, halos araw-araw may magulang na umiiyak, nagmamakaawang huwag patalsikin ang kanilang mga anak!
 
Ang mga tagpo ngang ito ang nagpababa sa tingin ng mga tao sa aming mga produkto ng MNHS. Ngunit ito ang tanong ko para sa mga nagmamalinis at nagmamagaling na mga taong kumukutya sa amin, “Sa inyo ba, walang ni isa sa inyong mag-aaral o kamag-aral ang ganyan?” Imposible!

Karamihan sa mga taong kumukutya sa amin ay iyong galing ng private schools. Lilinawin ko lang, hindi ko nilalahat ang mga mag-aaral ng private school pagkat ako ma’y isang produkto rin ng private school noong ako’y elementarya. Mapalad sila dahil kaya ng kanilang mga magulang na sila’y pag-aralain sa pabolosong paaralan gaya ng mga iyon. Gayunpaman, wala silang karapatan upang laitin ang mga tulad naming taga-MNHS. Oo, mahirap lang kami pero hindi kami dapat maliitin. Sige, laitin at maliitin niyo kami hanggang sa gusto niyo KUNG ni minsan, hindi namin kayo natalo sa mga patimpalak- pang-akademiko man o palakasan! Lumubay nga kayo! Ang gagaling niyong magsalita o tumingin ng ganyan eh kadalasan naman, talo namin kayo! 

Marahil, tumataas na ang iyong kilay sa pagbasa nito. Marahil, sa tingin mo’y napakayabang ko para sabihin ang mga ito. Marahil ay tinatanong niyo kung sino ba ako at napakalakas ng loob ko upang sabihin ang mga ito. Pwes, magpapakilala po ako para sa inyong ikaliligaya.

Ako po ay isa lamang hamak na produkto ng MNHS noong 2010. At hindi naman po siguro masamang ipagtanggol ang aking mahal na paaralan sa mga taong lumalapastangan sa amin. Wala po akong maipagmamalaki sa inyo liban sa isang bagay, isa akong proud Muñozonian at mabuti akong mamamayan ng Pilipinas! Kayo rin naman po siguro, ipagtatanggol niyo ang inyong paaralan sa mga taong lumalapastangan sa pangalan nito.

Para naman sa mga kapatid kong Muñozonian, gaya nga ng sabi ni Mark Tomenes, salutatorian ng Special Science Curriculum (2011), sa kanyang speech, nawa ang mababang pagtingin na ito sa atin ang siyang magsilbing hamon sa ating lahat na ipakita ang ating natutunan sa apat na taong pamamalagi natin sa ating mahal na paaralan. Ipakita natin sa kanila na hindi tayo basta-basta. Huwag niyong ikahiyang taga-MNHS kayo bagkus ipagmalaki niyo rin ito! Sabihin niyong “taga-Muñoz ata ‘to pre!”

Ipakita nating iba tayo sa kanilang iniisip. Hindi tayo bulakbol, palaaway, mahina, at bobo. Ipakita natin kung sino talaga tayo. Huwag natin silang intindihin. Magsikap tayo para sa ikabubuti ng ating buhay at ng bansa. Tandaan natin, walang manghihila sa atin pababa kung hindi tayo nasa itaas. Ngunit huwag naman sanang lumaki ang ating mga ulo dahil dito.

At pasasaan pa, sa mga dadaan pang mga taon, ito na ang maririnig ninyo:

“ Saan ka galing na iskul?”
“ Sa Muñoz National High School.”
“ Aba! Taga-Muñoz daw oh. Hanep!”

Sabado, Setyembre 24, 2011

PAG-ASA o PAASA?


Namutawi noon sa bibig ng ating kinararangal na pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ang mga katagang, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Ngunit sa paglipas ng mga panahon, nananatili pa ba ang kahulugan ng prinsipyong ito? Hindi nga ba naging hangal si Dr. Rizal nang isipin ito?

Ibang-iba na nga ang mga kabataan sa henerasyong ito. Maaaring ang mga kabataang tinutukoy noon ni Rizal, sa kanyang kapanahunan, ay matiyaga, masunurin, at pala-aral. Sa pagdaan ng mga panahon, samu’t saring pagbabago - sa pag-uugali, pananamit, at sa prinsipyo’t paniniwala - ang nangyari. At sa pagbabagong ito’y tuluyan na nga bang nawala ang saysay ng pagpapakasakit ng ating mga bayani para sa ating mga kabataan?

Sa hirap ng buhay ngayon, pilit na nagpapakahirap ang ating mga magulang para sa atin. Pinupuhunan ang kanilang dugo’t pawis upang maitaguyod ang ating pag-aaral. Nagtitiis sa asin at tubig para may maibigay na baon. Ngunit anong ginagawa ng marami? Nagpapakasasa sa luho, alak, sigarilyo, facebook, youtube, at iba pa. Hindi papasukan ang klase sapagkat nahuli ng gising dahil napuyat sa paglalaro ng Plants Vs. Zombies, Need for Speed, DotA o di naman kaya’y katawagan ang nobya magdamag. Tinitipid ang sarili upang may maikarga sa cell phone. Hindi nakagagawa ng mga takdang-aralin, proyekto at iba pang kinakailangan sa klase, hindi nakapagre-review, iniisip ang tinatawag nilang kanilang pag-ibig at hindi ang kanilang kinabukasan, kaya bumabagsak sa mga pagsusulit pero tila wala silang pakialam. Mas gugustuhin pang ulitin ang asignaturang iyon sa susunod na semestre kaysa pagbutihin na sa simula pa lang. Di na inisip ang binayarang halaga para sa pagkuha ng asignaturang iyon.

Kasama ang barkada na kung sinu-sino lang, sabay-sabay na liliban sa klase upang makargahan ng alkohol ang kanilang katawan, magpapakasasa hanggang sa tumagilid ang kanilang paligid at di na kayanin ng katawan ang ipinapasok na alkohol. Iniluluwa ang salaping mula sa ilang araw na pakikipagtanim, pagpupuyat, pakikisama sa konstruksyon, paglilinis ng mga maruruming palikuran, paglalabada at pagmamanikurista ng kanilang magulang.
Nalululon sa pinagbabawal na gamot at bisyo, napaririwara ang buhay, dumidilim ang landas na tinatahak at maagang namamatay. Sa hirap ng buhay ngayon, nagawa pa ang mga bagay na ito. Hindi isinaalang-alang ang mga pasakit at paghihirap na ginawa ng mga tao sa likod ng mga kaligayahang kanilang natatamasa sa ngayon.

Ito ay iba lang sa mga pagbabagong naganap sa ating kabataan. Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan. Kaya ako’y napaiisip, tunay nga bang ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan? O di naman kaya’y ang kabataan ang magpapaasa sa ating bayan?

Hindi pa huli ang lahat, mga kapwa ko kabataan. Maaari pa nating baliktarin ang kadiliman na ating nasasaksihan. Maaari pa tayong bumangon sa pagkakamaling ating kinasadlakan. May pag-asa pa tayo!  Hindi pa huli ang lahat.

Ating patunayan na tayo ang pag-asa ng bayan! Huwag nating pabayaang mawala ang tiwala ng mga taong nagsakripisyo’t nagsasakripisyo para sa atin. Isipin natin ang hirap na kanilang tinamasa’t tinatamasa upang maging inspirasyon para sa ating pagbangon at paglaban. Huwag nating paasahin ang ating mahal na bayan.

Ang pagbabagong ito’y magsisimula sa ating sarili. Hindi tayo susuong sa giyerang maaaring makakitil sa ating buhay, kundi tayo’y makikibaka upang mapaganda ang ating buhay. Edukasyon ang solusyon, kaibigan. Ang pag-aaral nang mabuti’y sapat na upang mapagtagumpayan ang labang ito. Ito ang ating magiging sandata’t susi sa tagumpay na ating inaasam. At sa ating tagumpay, hindi lang ang ating sarili ang ating mapaliligaya, kundi ang ating mga magulang, kaibigan, kapamilya, mga bayani, at ang ating Pilipinas.

Kaya ikaw, aking kaibigan, makakaasa ba ako sa iyong kooperasyon para sa labang aking sinimulan? O sasama ka na lang sa ibang magpapaasa sa ating bayan?

Sa Huling Umaga ng Enero 2011


Sa muling pagbukas ng aking mga mata upang masilayan ang panibagong biyayang ipinagkaloob muli ng Maykapal, may pumasok sa aking balintataw - tila may pangyayaring hindi pangkaraniwan sa aking mundo. Sinipat sipat ko ang aking paligid, gaya ng dati, ito’y madilim ngunit kumikislap na sa aking mga mata ang mga liwanag na nagmumula sa mga bumbilya sa aming mga katabing kwarto, malamig pa rin ang ihip ng hangin ngunit hindi ganoon sa dating tila may yelong kumakapit sa iyong balat.

Pinakiramdaman ko ang mga bagay sa aking kama na aking isinasaayos bago tuluyang mawalan ng muwang sa mga nagaganap sa aking kapaligiran, ngunit tila may isang bagay na nawawala sa kanyang kinalalagyan. Kinapa-kapa ko, wala talaga! Ipinasok ko ang aking mga kamay sa ilalim ng malambot at tila bulak na kinahihimlayan ng aking ulo, ngunit ito’y wala pa rin.

Ang tibok ng aking puso’y bumibilis. Di hamak na mas mabilis sa dati. Ang pakiramdam ko’y may kuryenteng nagiging sanhi upang ito’y tumibok na tila may humahabol sa aking isang ubod ng laki, ang mga mata’y nanlilisik, naglalaway sa aking laman na tila ako’y isang napakalaking butong nais niyang mapasakanya. Hindi ko na alam ang aking gagawin.

Ngunit teka, tila may isang bagay na parihaba, ngunit hindi kalakihan, na pumailalim sa aking likuran. Iyon na siguro ang bagay na aking sinusubukang hanapin. Ang aking pusong halos hindi na makayanan ang kabang nadarama’y nabuhayan ng loob. Pag-asa ang handog sa akin ng isang di pangkaraniwang matigas na bagay na aking nahigaan. Ilang sandali pa’y akin nang dinampot ang bagay na iyon. Sa dilim na bumabalot sa aming kwarto’y hindi ko maaninag ang hitsura nito. Ngunit habang ito’y nasa aking mga palad, bigla itong tumunog at nagbigay ng ilaw na siyang nagpakilala sa akin na ito pala ang aking hinahanap – ang aking cellphone! May nag-text!

At sa pagsindi ng mga ilaw nito’y nabigyan din ng liwanag ang maling pakiramdam ko mula pa sa aking pagmulat. Ang antok na aking nadarama’y biglang naglaho. Tila may bumuhos na napakalamig na tubig sa aking mukha na naging sanhi upang ako’y mapatayo mula sa aking kama.

6:15 na! Late na ako nito! Walang hiya, di ako nagising sa alarm ng cellphone!




**Hindi na ako nakapasok sa Filipino 105 kasi tinanghali ng gising!!! Wahahaha!!!